| Ang mga Dapat Malaman tungkol sa Clean Air Act Bakit kailangan ang Clean Water Act? Ayon sa pagmomonitor sa mga ilog sa bansa, magmula pa noong 1996 ay 51% lamang sa mga ilog ay kapakipakinabang at maari pang pakinabangan. Ang nalalabing 49% ay marumi dahil polusyong dulot ng kabahayan, mga pabrika at pagsasaka. Karamihan sa mga pag-aaral na nagawa ay nagpakita na ang pangunahing sanhi ng organic pollution (nasa 48%) sa ating mga katubigan ay domestic wastewater. Subalit 3% lamang ng mga investments sa water supply at sanitasyon ang napupunta sa sanitation and sewage treatments. Sa pinakabagong ulat ng World Bank, tinukoy na sa mga pangunahing lungsod sa Asya, ang Metro Manila ay pangalawa sa may pinakamababang sewer connections, at wala pang 7% kung ihahambing sa 20% ng Katmandu, Nepal at 30 % ng Dhaka, Bangladesh. Sinasabi rin na 31% ng mga karamdaman ay sanhi ng maruming tubig. Maliwanag na upang matiyak na makakukuha ng malinis na tubig para sa lahat, nararapat lamang na gumawa ang pamahalaan ng isang komprehensibong istratehiya upang mapangalagaan ang kalidad ng tubig sa bansa. Ano ang Clean Water Act? Ang Philippine Clean Water Act of 2004 (Republic Act No. 9275) ay naglalayong mapangalagaan ang mga katubigan ng bansa laban sa polusyon na nagmumula sa mga establisyimentong komersyal, agricultura, at mga gawaing-pangkabahayan. Ang batas na Ito ay nagbibigay ng isang komprehensibo at malawakang istratehiya upang maiwasan at mabawasan ang polusyon. Gagawin ito sa pamamagitan ng isang multi-sectoral and participatory approach na kinabibilangan ng lahat ng stakeholders. Mga mahahalagang nilalaman ng Clean Water Act Paano pamamahalaan ang kalidad ng tubig? Ang pamamahala ng kalidad ng tubig ay ibabatay kung ito ay watershed, river basin o water resources region. Itatakda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa tulong ng National Water Resources Board (NWRB) ang mga water quality management areas na may magkakatulad na hydrological, hydroecological, meteorological o geographic conditions na nakaaapekto sa reaksyon at paglaganap ng mga pollutants sa mga katubigan. Sino ang mamamahala sa mga lugar na ito? Ang pamamahala ay gagawing lokal at magtatatag ng mga multi-sectoral na governing boards. Ang mga ito ang siyang mamamahala sa mga isyu tungkol sa kalidad ng tubig sa loob ng kani-kanilang mga nasasakupan. Sinu-sino ang mga kasapi ng Governing Boards? Ang mga Governing Boards ay kabibilangan ng mga kinatawan ng mga alkalde at mga gobernador ng mga kasaping Local Government Units (LGUs), mga kinatawan ng mga may kaugnayang tanggapan ng pambansang pamahalaan, mga rehistradong Non-Government Organizations (NGOs), mga may kapakanang water utility sector, at sektor ng negosyo. Anu-ano ang mga tungkuling gagampanan ng Governing Boards? Ang mga Governing Boards ay bubuo ng mga estratehiya para sa koordinasyon ng mga patakaran na kinakailangan para sa epektibong implementasyon ng Batas na ito. Bubuo sila ng multi-sectoral group upang makapagtatag at magkaroon ng water quality surveillance at monitoring. Paano mapipigil ang mga discharges ng wastewater? Lahat ng nagmamay-ari at nagpapatakbo ng mga pasilidad na naglalabas ng wastewater ay kinakailangang kumuha ng permit to discharge mula sa DENR o sa Laguna Lake Development Authority (LLDA). Ang mga industriya na wala pang permit ay bibigyan ng hanggang 12 buwan mula sa araw ng pagpapatupad ng mga panuntunan at reglamento alinsunod sa Batas na ito upang kumuha ng permit to discharge. Paano matutugunan ang domestic wastewater? Ang Department of Public Works and Highways (DPWH), kaagapay ang mga LGUs ay maghahanda ng programang pambansa ukol sa sewage at septage management nang hindi hihigit sa 12 buwan magmula sa araw ng pagpapatupad ng Batas na ito. Maghahanda rin ng priority list na siyang magiging batayan para sa paglalaan ng pang-taunang pondo. Ito ay ihahanda ng pamahalaan para sa konstruksiyon at reabilitasyon ng mga kakailanganing pasilidad. Ang mga LGUs naman ang siyang magbibigay ng lupa kasama na ang pagpapagawa ng mga kalsadang magbibigay daan para sa paggawa ng mga pasilidad ng sewage at septage treatment. Sila rin ay mangangalap ng pondo para sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga nasabing pasilidad. Ang Department of Health (DOH) ay gagawa ng mga patakaran at pamantayan para sa koleksyon, paglilinis at pagtapon ng sewage. Sila rin ay gagawa ng mga patakaran para sa pagtatatag at pagpapatakbo ng sentralisadong sewage treatment system. Ang MWSS at iba pang mga ahensya na naatasang mag-supply ng tubig at sewerage facilities ay kinakailangang magkabit ng sewage lines, na may kaukulang kabayaran ng sewerage service charges/fees sa loob ng limang taon alinsunod sa pagsasatupad ng Batas. Lahat ng mga pinagmumulan ng sewage at septage ay kinakailangang sumunod sa Batas. Paano itataguyod ang hindi pagtapon ng wastewater? Ang sinumang magtapon ng wastewater sa isang katubigan ay kinakailangang magbayad ng wastewater charge. Ito ay inaasahang makapaghihikayat ng mga investments para sa mas malinis na produksyon at mga teknolohiya ukol sa pagkontrol ng polusyon upang mabawasan ang dami ng nailalabas na pollutants. Papayagan din ang maayos na pagpapalitan ng effluents sa bawat management area. Magbibigay rin ng rewards o gantimpala sa mga may-ari o operator kapag ang kalidad ng kanilang wastewater discharge ay nakahihigit sa pamantayan ng water quality ng pinagtapunang katubigan. Magbibigay rin ng fiscal at non-fiscal na mga insentibo sa mga LGUs, water districts, enterprises at mga indibidwal na makabubuo at makagagawa ng mga naiiba at nalikhang proyekto tungkol sa pangangalaga ng katubigan. Ano ang mga kasiguruhang nakalaan? Lahat ng mga magtatapon ng dumi sa tubig ay kinakailangang magtayo ng environmental guarantee fund (EGF) bilang bahagi ng kanilang environmental management plan. Ang EGF ang siyang tutustos sa pagpapanatili ng mga watersheds at aquifers, gayundin sa mga pangangailangan para sa emergency response, paglilinis o rehabilitasyon. Anu-ano ang mga ipinagbabawal na gawain sa ilalim ng R.A. 9275? Kabilang sa mga ipinagbabawal ay ang mga sumusunod: •
Paglalagay o pagtatapon ng anumang maaaring maging sanhi ng polusyon sa
tubig, at ng anumang maaaring maging sagabal sa natural na daloy sa katubigan. Anu-ano ang mga multa at parusang ipapataw sa mga polluters? Ang mga sumusunod ay kabilang sa multa at kaukulang parusa para sa mga lalabag sa Batas na ito, at sa mga panuntunan at reglamento nito: Mula sa rekomendasyon ng Pollution Adjudication Board (PAB), ang sinumang magsagawa ng mga ipinagbabawal na gawain tulad ng pagtatapon ng untreated wastewater sa anumang katubigan ay gagawaran ng multa sa araw-araw ng paglabag, sa halagang hindi bababa sa Php 10,000 at hindi hihigit sa Php 200,000. Ang hindi magsagawa ng clean-up operations ay parurusahan sa pamamagitan ng pagkakakulong nang hindi kukulangin sa dalawang taon at hindi hihigit sa apat na taon. Kasama rito ang multa na hindi bababa sa Php 100,000 bawat araw ng paglabag. Ang hindi pagsasagawa ng clean up na maaaring maghantong sa siryosong kapinsalaan, pagkitil ng buhay, o di kaya’y pagkakaroon ng irreversible water contamination ng surface ground, coastal, at marine water ay parurusahan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na taon at isang araw, at hindi hihigit sa 12 taon at multa Php 500,000 sa bawat araw ng kontaminasyon. Sa pagkakataon ng sukdulang paglabag, papatawan ng multa na hindi bababa sa Php 500,000 ngunit hindi hihigit sa Php 3,000,000 sa bawat araw ng paglabag. Maaari rin silang sampahan ng kasong kriminal. Sino ang dapat magpatupad ng Clean Water Act? Ang DENR ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na may resposibilidad para sa implementasyon at pagpapatupad ng batas na ito, kasama ang suporta ng iba pang mga organisasyon ng pamahalaan, LGUs, NGOs at pribadong sektor. Dahil
dito, ang DENR ang mag-aaral at magtatakda ng pamantayan, magsasagawa
ng panuntunan ng kalidad ng tubig, mag-uuri ng groundwater sources at
maghahanda ng national groundwater vulnerability map, magkaklasipika at
magrereklasipika ng mga katubigan, magtatatag ng isang pamamaraan ng sampling
at analysis na maaaring tanggapin saan mang dako ng mundo, maghahanda
ng integrated water quality management framework at maghahanda ng 10-year
management plans para sa bawat water management area. •
Ang Philippine Coast Guard ang magpapatupad ng water quality standards
sa marine waters, lalo higit mula sa offshore sources. Para sa mga karagdagang
katanungan, makipag-alam sa:
|